-- Advertisements --

Posibleng isasagawa sa Hulyo, 2024 ang bilateral meeting sa pagitan ng Pilipinas at China kasunod ng naging bayolenteng pag harang na ginawa ng China Coast Guard(CCG) sa resupply mission ng Pilipinas noong June 17.

Ayon kay Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, naniniwala ang ahensiya na kailangan pa ring pairalin at gamitin ang diyalogo at diplomasya sa kabila ng nangyari.

Gayunpaman, aminado ang opisyal na isa itong malaking hamon.

Ayon sa kalihim, maaaring sa unang bahagi ng Hulyo ay sisimulan ang diyalogo sa pamamagitan ng Philippines-China Bilateral Consultation Mechanism para pag-usapan ang pinakahuling insidente.

Umaasa ang kalihim na makakapagtatag ang naturang diyalogo ng ‘confidence-building measures’ na magiging basehan ng mas seryoso pang pag-uusap lalo na sa hinaharap.

Sa kabila nito ay tiniyak ng kalihim na bagaman naghahanap ang pamahalaan ng mapayapang paraan para maresolba ang problema, hindi aniya magiging bulag ang ahensya sa mga insidenteng nangyayari sa WPS.

Hindi aniya isasakripisyo dito ang soberanya ng bansa, kasama na ang karapatan at hurisdiksyon ng Pilipinas sa West Phil Sea.

Ayon sa kalihim, una nang nagkaroon ng pormal na pag-uusap sa pagitan ng DFA at ng Ministry of Foreign Affairs ng China kasunod ng nangyaring insidente.

Mayroon na rin aniyang working group na binuo upang maghanda sa isasagawang diyalogo.