Isinusulong ni House deputy speaker at Batangas Representative Ralph Recto ang House Bill 2567 o ang Bilis Konek Act.
Sa sandaling naisabatas na ang nasabing panukala, dapat hindi bababa sa 65-MBPS ang internet speed na ipagkakaloob ng mga telco sa kanilang mga subscriber.
Ito’y sa harap ng mga reklamo ng mabagal at putol-putol na internet connection.
Ayon kay Recto, sa ilalim ng “Bilis Konek Act”, ang 65-MBPS ang magiging minimum standard para sa internet connection speed sa fixed wireless broadband dahil walang katapusan ang mga reklamo tungkol sa mabagal at putol-putol na internet connection.
Pagdating naman sa mobile broadband, dapat ito ay nasa minimum 30-MBPS at dapat tiyakin ng mga telco ang kalidad ng kanilang sistema para makapag-deliver ng internet connection speed na higit pa sa global average.
Matatandaan, binansagan ang Pilipinas na “world’s heaviest internet users” base sa Digital 2022 April Statshot Report.
Average na 10-hours and 23-minutes ang ginugugol ng mga Pinoy sa internet, malayo sa worldwide average na 6-hours and 53-minutes.
Kaya giit ni Recto, dapat lang na maayos at mabilis ang serbisyo ng mga internet service providers nang hindi pahuhuli sa ibang mga bansa.