-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Mismong si Commission on Elections (Comelec) commissioner Rowena Guanzon ang nanguna sa pagbaklas ng billboard ng isang partylist group sa Bacolod na lumabag sa rules sa mga campaign materials.

Ang billboard ay inilagay sa itaas ng isang pension house sa Lacson Street, Barangay Mandalagan at may laking 20 by 6 feet.

Ayon kay Guanzon, nagpadala na sila ng notice sa partylist na tanggalin ang back-to-back billboard ngunit walang tugon.

Sa tulong ng City Engineer’s Office ng Bacolod, binaklas kanina ang billboard habang naka-supervise ang Comelec commissioner, election officer ng lungsod at election supervisor ng Negros Occidental.

Aniya, itatago nila ang tarpaulin upang magamit bilang materyal sa pagsampa ng kasong paglabag sa Fair Elections Act.

Kasabay nito, pinaalahanan ni Guanzon ang mga partylist groups na pribiliheyo lamang ang pagtakbo sa eleksyon kaya’t sundin ang rules and regulations.