-- Advertisements --

PASAY CITY – Lungkot ang naramdaman ng mga manonood ng bigong makuha ni Billiard legend Efren ‘Bata’ Reyes ang ticket papuntang finals kontra sa pambato ng Vietnam sa larong Carom sa Seagames 2019.

Sa unang tira palang ni Ngo Dinh Nai ng Vietnam matinding diskarte na ang ginawa nito at kumamada na ng 23 puntos na naging rason sa patuloy na kalamangan.

At hindi pa nga nagpaawat sa magandang tira ang Vietnamese at kumamada pa ulit ng 31 na sunod sunod na puntos.

Pinipilit pa sana ni Reyes na humabol ngunit hindi ito pinalad at sablay ang mga naging tira kaya nakuha ng Vietnamese ang panalo sa score na 100 kontra sa 14 puntos lamang na nagawa ni Reyes.

Matatandaang una ng sinabi ni Reyes na ang kanyang naging kalaban ang pinaka magaling na player pagdating sa larong carom.

Sa ambush interview naman ng media kay Reyes, Sinabi nito na kayang-kaya niya sanang tapatan ang 38 anyos na kalaban kung bata-bata pa ito at nanibago sa bagong tapete o (yung sapin sa billiard table) dahil sa lumang tapete lang umano ito nagpapraktis.

Sa kabila ng napakalaking lamang sa pagtatapos ng laro, pinalakpakan pa rin ng mga manonood ang naging paglaban nito at nagpapasalamat naman sa patuloy na pagsuporta ng mga pinoy sa lahat ng kanyang laban.

Samantala, naging mailap parin ang gintong medalya sa billiard team ng Pilipinas matapos matalo sa finals ng mens Snookers doubles sila Alvin Barbero at Jefry Roda ng Pilipinas sa kalabang si Moh keen hoo at kok leong lim ng Malaysia na nakasungkit ng gold medal Ngunit ma-iiuwi parin ng dalawang Pinoy ang silver medal. (John Salonga)