Pormal nang naghain ng kanyang intensiyon si dating New York City Mayor Michael Bloomberg na sumali na rin sa magaganap na Alabama Democratic presidential primary.
Ang naturang proseso ay bahagi nang pagpili sa magiging standard bearer ng Democrats para sa 2020 presidential elections.
Sinasabing isinumite ng mga kinatawan ni Bloomberg ang mga papeles para ma-review at maisama ang pangalan sa ballot para sa tinaguriang Super Tuesday contest sa March 3, 2020.
Kaya raw si Bloomberg ay naghain sa Alabama dahil ang naturang estado ay nagtakda ng filing deadline nitong Sabado.
Liban dito balak din daw ni Bloomberg na magsampa rin ng kandidatura sa Arkansas Democratic primary bago ang deadline sa Martes.
Ayon sa spokesman na si Howard Wolfson, ang nabanggit na mga hakbang ni Bloomberg ay parte pa rin nang posibleng desisyon nito sa 2020 election.
Una nang sinabi ng kampo ng billionaire media mogul at pilantropo, naniniwala raw ito na mahihirapan ang Democrats na talunin ang mga kandidato ng Republican lalo na sa reelection bid ni US President Donald Trump.
Umaabot na ngayon sa 17 kandidato ang Democrats kung saan nangunguna sa survey sina US Senators Elizabeth Warren at Bernie Sanders.
Kung maaalala naging alkalde ng New York si Bloomberg mula taong 2002 hanggang 2013.
Sakaling matuloy ang pagkandidato ni Bloomberg itinuturing na siya ang pangalawang pinakamatandang kandidato ng Democrats na pinangungunahan nina Sanders sa edad 78, Biden na 76 at Warren na edad 70 at ang pinakamatanda sa Republican si Trump sa edad 73.