Nakatakdang i-forfeit ng gobyerno ang bilyun-bilyong peso na halaga ng mga lupain mula sa suspected Chinese drug lord na si Willie Ong at kaniyang associates.
Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, maghahain ang Land Registration Authority (LRA) at Office of the Solicitor General (OSG) ng forfeiture proceedings laban kay Ong, sa kaniyang real estate firm na Empire 999 at kaniyang partners.
Aniya, 55% ng Empire 999 Realty Corporation ang kanilang pagmamay-ari na direktang paglabag sa constitutional limitation na 60-40 equity.
Saad pa ng mambabatas na ipinangako ng LRA at OSG ang naturang hakbang sa pagdinig ng House Dangerous Drugs Committee noong Miyerkules kung saan nadiskubre ng komite na sina Ong at kaniyang associates, na nabigong dumalo sa padinig, ay mga Chinese nationals na nagkukunwaring mga Pilipino.
Kaugnay nito, sinabi ni Cong. Barbers na dapat agad na kanselahin ng Department of Foreign Affairs ang PH passports nila Willie Ong at kaniyang associates habang ang SEC registration naman ng Empire 999 Realty Corporation ay dapat na i-revoke at mabuwag ang korporasyon.
Kung maaalala, si Ong ang may-ari din ng isang warehouse sa Mexico, Pampanga kung saan nasamsam ang 530 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.6 billion noong Setyembre ng nakalipas na taon.
Nang ipatawag ito sa imbestigasyon sa Kamara, makailang ulit itong hindi sumipot.
Pinaniniwalaan din na tumakas ng bansa noong Oktubre 2023 si Ong, na may Chinese name na Cai Qimeng, gamit ang kaniyang chinese passport.
Hindi din makumpirma ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng associates ni Ong na natukoy na sina edi Tai Yang, Jack Tai Yang, Michelle Santos Sy, Elaine Chua at iba pa.
Natukoy naman ang mga nabiling 320 lupain nina Ong sa Mexico, San Fernando, at Angeles City sa Pampanga; Nueva Ecija, Cabanatuan City, Aurora Province, Bulacan, Cavite City, Tagaytay City, Iloilo City, Lingayen, Pangasinan, Mandaue City, Lapu-lapu City, Valenzuela City, Quezon City, Rizal, Muntinlupa City, Taguig City, Makati City, Malabon, Parañaque City, Manila City, Davao del Norte, Isulan, Sultan Kudarat, at Tabuk, Kalinga, Apayao.
Ang lahat ng ito ay iniuugnay sa mga kompaniyang itinatag ng isa pang suspected Chinese drug lord na si Michael Yang na matatandaang itinalaga noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang presidential economic adviser.