-- Advertisements --

Isiniwalat ni Sen. Panfilo Lacson na nasingitan umano ng lump sum funds na pumapalo ng bilyun-bilyong piso ang bersyon ng Kamara sa 2020 national budget.

Pero inihayag ni Lacson na pinag-iisipan niya raw kung irerekomenda nito o hindi ang pag-adopt sa bersyon ng House sa bicameral conference committee level.

Ayon kay Lacson, kung siya raw ay tatanungin ay mas pipiliin nitong i-adopt na lamang ang House version upang hindi na raw magkaroon pa ng mga insertions sa pambansang pondo.

“If not for a number of lump-sum appropriations which runs to billions of pesos, if I had my way, I would rather adopt the House version as transmitted to the Senate, if only to preempt any possible scheming attempts to make insertions which usually happen during the bicameral conference,” wika ni Lacson.

Tumanggi naman ang senador na banggitin ang eksaktong bilang ng umano’y lump sum funds sa bersyon ng Kamara, dahil baka magkainteres daw ang iba na i-realign ito.

Nakalusot noong Setyembre 20 ang budget bill sa mababang kapulungan at na-transmit sa Senado nitong Oktubre 1.

Una nang inanunsyo ni House Speaker Alan Peter Cayetano na ni-realign nila ang P9.5-bilyon sa panukalang P4.1-trillion national budget para sa susunod na taon.