-- Advertisements --

Ibinahagi ni First Lady Liza Marcos ang isang larawan kung saan binisita siya ng dalawang anak ni Kris Aquino na sina Bimby at Joshua sa tanggapan ng First Lady sa loob ng compound ng Malacanang Palace.

Sa facebook post ni First Lady Liza Marcos pinasalamatan nito ang pagbisita sa kaniya ng mga pamangkin ng yumaong Pangulong Noynoy Aquino.

Ayon sa Unang Ginang, siya ay nalulugod sa pagbisita ng dalawang anak ng aktres na si Kris Aquino na kasalukuyang nasa Amerika at nagpapagamot sa kaniyang sakit.

Kilala ang mga Aquino at Marcos na madalas na inilalarawan bilang magkatunggaling pamilya kung saan si Cory Aquino ang nanalo sa pagkapangulo matapos mapatalsik si Ferdinand Marcos, Sr. sa Malacañang sa pagtatapos ng Martial Law.

Sa ngayon hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag ang Presidential Communications Office hinggil sa naging pagbisita nina Bimby at Josh kay Unang Ginang Liza Araneta Marcos.