KALIBO, Aklan – Suportado ng lokal na pamahalaan ng Malay ang napipintong pagpapatayo ng Boracay-Caticlan bridge na nagkakahalaga ng P5.5 bilyon na isinusulong ng isang malaking kompaniya.
Ayon kay Malay acting Mayor Frolibar Bautista, nagpulong na sila kasama ang mga department heads at ang pamunuan ng kompaniya na magpapatayo ng tulay na magdudugtong sa mainland Malay at isla ng Boracay.
Aniya, sakaling matuloy ang proyekto na may habang 1.2 kilometer ay magsisilbi itong all-weather access para mapabilis ang transportasyon gaya ng paghahakot ng basura patawid ng mainland Malay; pag-transport ng pasyente kung may emergency at hindi na ma-stranded ang mga bakasyunista, turista, workers at residente sakaling masama ang panahon.
Maliban umano sa panukalang tulay, may nag-alok din na malaking kompaniya na maglalagay ng cable car at under water tunnel para sa dagdag na development sa isa nangungunang tourist destination sa buong Asia.
Kahit anumang matuloy aniya sa tatlo ay dapat may proper consultation at planning upang matiyak na magiging maayos ang epekto nito hindi lamang sa isla kundi maging sa tao at sa lahat ng resources na mayroon sa nasabing lugar.
Sa kasalukuyan ay mga motorbanca ang ginagamit na transportasyon patawid sa isla.