Pinangangambahan ngayon ng Antique Provincial Government na baka umabot pa sa binansagang “tuna highway” ang langis na tumagas mula sa lumubog na motor tanker na MT Princess Empress na may kargang 800,000 litro ng industrial fuel sa karagatang sakop ng Oriental Mindoro.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Antique Governor Rhodora Cadiao, sinabi nito malaking kawalan ito sa buong lalawigan lalo na sa mga mangingsida kapag tuluyang naapektuhan ng oil spill ang tinuturing na ruta ng mga tuna.
Ayon kay Cadiao, sa ngayon, habang nasa bahagi pa lamang ng island municipality ng Caluya ang oil spill, mas mabuting mapabilis ang paghahanap ng solusyon at pag-deploy ng state of the art na mga kagamitan.
Napag-alaman na nasa 36,000 populasyon ng nasabing bayan ang mawawalan ng ikabubuhay-ang pangingisda at pagtatanim ng seaweeds- kapag umabot sa dalampasigan ng isla ang oil spill.
Inamin naman ni Cadiao na kapag lumala ang oil spill, talagang mahihirapan sila lalo na’t ito ang unang pagkakataon na naranasan nila ang ganitong problema.