-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Natagpuan na ang binata na dinukot sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Jake Omar Talusan, 20, isang Jollibee crew at residente ng Brgy Malingao, Midsayap, North Cotabato.

Ayon kay Cotabato police provincial director Colonel Maximo Layugan na isang kulay itim na van ang naghulog ng malaking sako sa gilid ng national highway sa Brgy Sadaan, Midsayap, North Cotabato at agad tumalilis.

Narinig mismo ng mga residente na may sumisigaw at humihingi ng tulong.

Nang buksan ng mga sibilyan ang sako doon tumambad sa kanila na tao ang laman na nakagapos, kung saan agad nila itong dinala sa Amado Diaz Provincial Foundation Hospital.

Nakumpirma na si Talusan ang isinilid sa sako at nagtamo ng maraming pasa sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan.

Matatandaan na lulan ang binata sa kanyang motorsiklo sa Brgy Sadaan sa bayan ng Midsayap galing sa mosque at nagsambayan pabalik sa kanyang trabaho.

Pero bigla lamang daw na hinarang ang biktima ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan at pilit isinakay sa kulay itim na van patungo sa direksyon ng Kidapawan City.

Posibleng “mistaken identity” o nakapagkamalan lamang ang binata ng mga suspek at mali ang kanilang target kaya pinakawalan ito.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Midsayap PNP sa naturang pangyayari.