CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi na nasilayan ng isang binata ang ganda ng kaniyang nakuhang litrato matapos siyang mahulog sa falls dahil sa kaniyang pag-selfie na naging sanhi ng kaniyang kamatayan sa Man-ibay, Aposkahoy,sa Claveria Misamis Oriental.
Kinilala ang nasawi na si Marjun Jabagat, 23 anyos, residente ng Malagana, Claveria Misamis Oriental.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Police Sr. Master Sargeant Daniel Agusan, imbestigador ng Claveria PNP na nabighani umano ang binata sa ganda ng Kilome Falls kung kaya’t tumungtong ito sa bato at nag-selfie gamit ang kaniyang cellphone.
Ngunit sa kasamaang palad, nawalan ng balanse ang biktima dahilan ng kaniyang pagkahulog sa tubig.
Dahil sa lalim ng falls, umabot ng 24 oras ang paghahanap ng mga otoridad bago nakita ang kaniyang bangkay.
Nagtamo ito ng malaking sugat sa ulo at katawan na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Nauna rito, isang menor de edad din ang namatay matapos malunod sa Cawayanon Falls sa may Gango, Libona Bukidnon.
Naisugod ba sa bahay-pagamutan ang biktimang si Josh Rain Emano Balangiao, 10 anyos na taga Lumboy, Barangay Indahag nitong lungsod.
Ngunit, idineklara ito ng mga doktor na dead on arrival.