CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang binata matapos na malunod habang naliligo sa Abuan River sa lunsod ng Ilagan.
Ang biktima ay si Johnsen Pabro, 20-anyos at residente ng Minallo, Naguillan, Isabela.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nag-piknik at nag-inuman sa nasabing ilog ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan.
Matapos nito ay lumangoy sa ilog ang biktima at ang isa nitong kaibigan na si Jerry Cabantac at dahil sa malakas na agos ng tubig ay naanod sila sa malalim na bahagi ng ilog dahilan upang malunod si Pabro habang si Cabantac ay nakayanang lumangoy papunta sa mababaw na bahagi ng ilog.
Nagsagawa ng search and rescue operation ang mga opisyal ng Barangay at natagpuan ang bangkay ng biktima.
Sinikap ng mga opisyal ng barangay na irevive ang biktima at dinala sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.