-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nasawi matapos magtamo ng matinding tama sa ulo ang lalaking sakay ng motorsiklo na bumangga sa kasalubong na tricycle sa Tandang Sora Street, barangay Macalaoat, Cabatuan.

Ang nasawi ay si Joey Jacinto Jr., dalawampu’t isang taong gulang at residente ng La Paz, Cabatuan, Isabela habang ang tsuper ng nakabanggaang tricycle ay si Diosdado Ibarra, apatnapu’t limang taong gulang at ang pasahero nito ay si Rowena Marso, apatnapu’t anim na taong gulang, kapwa residente ng Rizal, Roxas, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMajor Lorvinn Layugan, hepe ng Cabatuan Police Station, sinabi niya na batay sa kanilang paunang imbestigasyon, binabaybay ng tricycle na minamaneho ni Ibarra ang kalsada patungong town proper nang lagpasan ang nakaparadang reaper ngunit sumalpok sa motorsiklong minamaneho ni Jacinto na patungo sana sa San Mateo, Isabela.

Nagtamo ng sugat sa iba’t Ibang bahagi ng katawan ang dalawang tsuper maging ang pasahero ng tricycle. Nadala sa pagamutan ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival si Jacinto ng kanyang attending physician.

Sinabi pa ni PMaj Layugan na walang suot na helmet si Jacinto na posibleng dahilan ng malalang sugat sa ulo na nagbunga ng kanyang kamatayan.

Dinala sa punerarya ang bangkay ng binata habang nasa pagamutan sa Roxas, Isabela ang tsuper at pasahero ng tricycle.

Inihayag ni PMaj Layugan na posibleng hindi napansin ni Ibarra ang paparating na motorsiklo dahil may kadiliman ang lugar kung saan naganap ang aksidente.

Sinabi pa ng hepe ng pulisya na nasakop din ng nakaparadang reaper ang halos kalahati ng kalsada sa naturang lugar.