CENTRAL MINDANAO- Binawian ng buhay ang isang binata nang makagat ng aso sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang biktima na si Renan Valsote,24 anyos at residente ng Barangay Bual Norte Midsayap North Cotabato.
Ayon sa mga kamag-anak ng biktima na noong buwan pa ng Disyembre taong 2018 nakagat ng asong ulol si Valsote.
Pinatandok (Quack Doctor) lamang si Valsote ng kanyang pamilya at hindi na dinala sa pagamutan dahil sa kakapusan ng pera.
Bago lang ay nilagnat ang binata,nagsusuka at nakaramdam ng sobrang sakit ng kanyang katawan hanggang lumala ang kalagayan nito.
Dinala ang biktima sa pagamutan ngunit binawian rin ito ng buhay dahil kumalat na sa kanyang katawan ang rabis ng baliw na aso.
Agad inilibing ang bangkay ng biktima dahil sa payo ng Kagawaran ng Kalusugan para maiwasan ang pagkalat ng rabis ng aso.
Pinayuhan rin ng Department of Health (DOH) ang mga kamag-anak at lahat na nakasalamuha ni Valsote na magpaturok ng anti-rabies vaccine sa mga ospital at Health Centers.