-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Natagpuan na lamang na wala nang buhay ang isang binata matapos na inanod ng rumaragasang tubig-baha sa Sitio Datalalo, Barangay Upper Sepaka, Surallah, South Cotabato.

Ito ang inihayag ni Mr. Leonard Ballon, MDRRMO ng bayan ng Surallah sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ang biktima na si Valiente, 18 years old na residente ng nabanggit na lugar.

Ayon kay Ballon, dahil sa lakas ng ulan umapaw ang tubig-baha sa Bluemoon River na siyang naging dahilan ng flash flood kung saan maraming kabahayan ang naging apektado.

Ang nasawing biktima ay inabutan umano ng flash flood habang nangunguha ng isda sa ilog at dahil wala umano itong kasama ay hindi natulungan at natagpuan na lamang sa bahagi ng Sitio Dlanag.

May mga alagang kambing, African oil at iba pang kasangkapan ng mga residente sa lugar.

Maliban dito, nasa 10 bahay din ang apektado ng landslide sa Sitio Datal Lapi habang hindi naman passable sa ngayon ang daan paakyat ng Sitio Kiantay at Datal lawa matapos na nasira ang daan.

Maraming pananim din ng mga magsasaka ang sinira ng baha.

Dagdag pa ni Ballon dahil sa halos araw-araw na pagbuhos ng ulan nasa higit 17 barangay na sa bayan ng Surallah ang apektado ng kalamidad kung saan may mga nasira ding infrastructure projects ng gobyerno.

Ikinokonsidera na din sa ngayon ang pagsasailalim sa state of calamity sa nabanggit na bayan.

Ipinasiguro naman ng LGU-Surallah na nabigyan agad ng tulong ang mga apektadong pamilya.

Maging ang nasawi matapos na inanod ng flash flood ay tinulungan na rin ng LGU.

Kasabay nito, nanawagan si Ballon sa mga residente na nakatira sa mga flash flood at landslide prone areas na maging vigilante at mag-ingat upang maiwasan ang dagdag na casualties sakaling muling bumuhos ang malakas na ulan.