ROXAS CITY – Naghihinagpis sa ngayon ang pamilya ng 18-anyos na binata na natagpuang wala nang buhay sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Balangisag, Cuartero, Capiz.
Kinilala ang biktima na si Aljohn Apoldo, residente rin ng naturang lugar.
Nabatid na nakita ng kaniyang tiyuhing barangay kagawad na si Roger Agustin ang biktima na wala nang buhay.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Joseph Apoldo, tiyuhin ng biktima, pinainom ang kaniyang pamangkin ng pinsan nitong si Reggie Agustin ng likido mula sa pinaghalong suka, toyo, asin, mga halamang gamot na “badyawan” at “dulaw” na gamot umano sa taong inaswang.
Nagmagandang-loob lamang umano si Regie na mapatingin ang kaniyang pinsan sa albularyo at sinunod ang payo nito.
Ayon kay Joseph na kasunod ng pagkamatay ng ama ni Aljohn noong buwan ng Enero na sinundan rin ng pagkamatay ng ina nito noong buwan ng Hulyo, kanilang naobserbahan na madalas itong nagsasalita ng mag-isa at gumagala nang walang damit na pang-itaas.
Naniniwala si Joseph na labis na na-depress ang pamangkin nito ngunit nang kumonsulta ang kaniyang pinsan sa isang albularyo ay sinabing inaswang ang binata.
Ngunit sa halip na magamot ay kalunos-lunos ang nangyari sa biktima dahil natagpuan na lamang itong wala nang buhay.
Naniniwala ang tiyuhin ng biktima na ang likidong pinainom ng albularyo ang kumitil sa buhay ng kaniyang pamangkin kung kaya’t kanilang isinailalim sa autopsy ang bangkay ng biktima.