-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Dead on arrival sa pagamutan ang isang binata sa nangyaring vehicular accident sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang nasawi na si Joel Paulo Gunsi Mejes, 20 anyos,binata,estudyante at residente ng Barangay Poblacion 5 Midsayap North Cotabato.

Ayon kay Midsayap Chief of Police Lieutenant Colonel John Miridel Calinga na habang sakay ang biktima sa kanyang KLX Kawasaki motorcycle, matulin umano ang takbo nito at nag-overtake sa isang sasakyan sa Quezon Avenue Brgy Poblacion 6 sa bayan ng Midsayap.

Hindi namalayan ni Mejes ang papalikong Izuzu pick-up na may plakang LCV-4318 na minamaneho ni ABC President at Midsayap Municipal Councilor Alan Ry Doton Mostrales.

Binangga ng motorsiklo ang pick-up at tumilapon ang binata sa gilid ng kalsada.

Naisugod naman si Mejes sa Community Doctor’s Hospital ngunit hindi na ito umabot ng buhay nang magtamo ng matinding sugat sa ulo.

Ligtas naman ang dalawang pasahero ni Councilor Mostrales na sina Ali Dilangalen at anak nito na si Carl Mostrales.

Sinabi ni Mostrales na disgrasya ang nangyari at hindi sinadya kung saan handa siyang tumulong sa pamilya ng binata.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Midsayap PNP sa naturang pangyayari.