-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Sugatan ang isang binata sa pamamaril nitong gabi ng Miyerkules sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Juvani Echavia, 26 anyos, na residente ng Purok 1, Brgy. Villarica, Midsayap, Cotabato.

Ayon kay Midsayap chief of police Lieutenant Colonel Rolly Oranza na lulan ang biktima sa kanyang minamanehong Honda click 125 na motorsiklo sa bahagi ng Purok 3, Brgy. Villarica, Midsayap, Cotabato at may binili lamang sa tindahan.

Papauwi na sana ang biktima sakay nang pagdating sa madilim na bahagi ng lugar ay bigla itong binaril ng mga di kilalang suspek gamit ang kalibre .45 na pistola.

Nagtamo ng dalawang tama ng bala sa katawan at leeg ang biktima dahilan upang ito ay matumba mula sa sinasakyang motorsiklo.

Mabilis na tumakas ang dalawa umanong mga suspek tangay pa ang hiniram na motorsiklong ginamit ng biktima.

Nagpapagaling ngayon at inoobserbahan ang kalagayan ni Echavia sa isang pagamutan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Midsayap MPS.