-- Advertisements --

LA UNION – Patay na nang matagpuan at umaapaw ang katawan ng isang 21-anyos na binata na umano’y may sakit sa pag-iisip, sa ilog na sakop ng Brgy Lower Delles, Burgos, La Union kahapon ng umaga.

Ang biktima ay nakilala sa pangalang Reymart Timmalog, residente sa nasabing lugar.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo La Union kay Pol. Capt. Ramsey Ganaban, OIC chief-of-police ng Burgos Police Station, sinabi nito na lumabas umano ang biktima sa kanilang bahay ng madaling araw kahapon.

Ayon pa kay Ganaban, nakagawian na umano ng biktima na lumalabas sa kanilang bahay na hindi nagpapaalam pero bumabalik.

Sa pagkakataong ito, hindi na nakauwi si Timmalog at nakita na lamang ng mga residente na nagtungo sa ilog, ang umaapaw na katawan ng biktima.

Dinala ng mga rumespondeng pulis kasama ang MDRRMO ang biktima sa rural health unit, ngunit idineklarang dead-on-arrival ng attending physician.

Sa ngayon, inaalam ng mga otoridad kung may foul play sa pagkamatay ng biktima, bagamat una nang sinabi na nalunod ito dahil sa malakas na agos ng ilog.