CAGAYAN DE ORO CITY – Kakasuhan ng pulisya ng inciting to sedition in relation to cybercrime law ang 40-anyos na binata na nagbanta na ipapatay umano ang Pangulong Rodrigo Duterte kapalit ng P150-milyong pabuya.
Kinilala ang suspek na si Joemarch Ebcay na residente sa Purok Matinud-anon, Brgy. Maningcol, Ozamiz City, Misamis Occidental.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Ozamiz City Police Office commander PLt. Col. Sherwin Lapez na inamin ni Ebcay na siya ang nagkomento na handa umano itong magbigay ng P150-milyon para sa sinumang makakapatay kay Duterte.
Inihayag ni Lapiz na hindi nakontento ang suspek ay naghayag pa ito na mismo umano siya ang papatay kay Duterte kapag walang intresado.
Inamin naman ng suspek na mismo siya ang nagsabi nito at inilagay sa isang Facebook page na nakabase sa Mindanao.
Una rito, kusang sumuko si Ebcay dahil hindi na raw nito makayanan ang takot sa mga natatanggap na banta sa kanyang buhay dahil sa kanyang social media post.