BOMBO DAGUPAN – Nasawi ang 15 taong gulang na binatilyo sa bayan ng San Jacinto matapos na mahulog ang sinakyang tricycle sa isang irrigation canal habang sugatan naman ang dalawa sa tatlo pa nitong kasama.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCPT. Vladimir Lalas, ang Deputy Chief of Police ng San Jacinto Municipal Police Station, kinilala ang nasawing binatilyong si Ranniel Pascual Mosquete habang ang mga kasama naman nito noong panahong iyon ay sina Marwin Tabayoyong Claveria, Armando Gerosa Caoile, 16 years old, at Arjay Perez Nacis, 15 years old, kapwa mga grade 10 students.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na base sa testimonya ng isang witness na kinilalang si Edwin Quezon, binabagtas umano ng mga magkaklase ang silangan patungong kanlurang direksyon ng kalsada ng Brgy. Sta. Maria, sa naturang bayan nang aksidenteng mawalan ng kontrol ang drayber ng tricycle, dahilan ng pagkakahulog ng mga ito sa irrigation canal na may tinatayang humigit-kumulang tatlong talampakan ang lalim.
Nagtamo ng sugat ang drayber at ang isang sakay nito habang nasawi naman si Ranniel Mosquete na siyang pumailalim sa tricycle.
Sinubukan pa itong dalhin sa pagamutan ngunit idineklara nang dead on arrival.