ROXAS CITY – Patay ang siyam na taong gulang na binatilyo habang ginagamot sa ospital ang kanyang magulang at dalawang kapatid matapos kumain ng tahong o green shells sa Capiz.
Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas kay Punong barangay Marilyn Belano ng Barangay Binaobawan, Pilar, Capiz, sinabi nito na dinala sa Bailan District Hospital ang limang miyembro ng pamilya ng binatilyo, matapos makaramdan ng pagsusuka, pamamanhid, pananamlay at pagsakit ng ulo dala ng pagkain ng tahong na naging ulam nila kagabi.
Pinakain pa ng gata na may asukal ang nasabing pamilya bago dinala sa ospital.
Sa ngayon ay nasa mabuting sitwasyon na ang ama at mga kapatid ng binatilyo matapos magamot.
Maliban sa Barangay Binaobawan, Pilar, may reported case din ng pagsusuka ng ilang residente sa Barangay Rosario, Poblacion.
Samantala, nagpalabas na ng Executive order si Mayor Arnold Perez na pansamantalang nagbabawal sa pagkain, harvest, transport ng anuman uri ng shellfish na mula sa Pilar bay.