ILOILO CITY – Patay ang isang 12-anyos na batang lalaki matapos inumin ang herbicide dahil umano sa sama ng loob.
Ang bata ay kinilalang si alyas Toto, residente ng Brgy. Calaya, Nueva Valencia, Guimaras.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Paolo, kapatid ng biktima, sinabi nito na natagpuan na lang sa likod ng bahay nila na wala nang malay, bumubula ang bibig, at matigas na ang katawan ni Toto.
Nakita rin ang herbicide sa lugar kung saan nakita ang bata.
Ayon sa kanya, posible umanong sumama ang loob ng kanyang kapatid dahil nilason at namatay ang kanyang inaalagaang aso.
Maliban dito, bago pa man nangyari ang insidente, napagsabihan umano si Toto ng kanyang ina.
Ani Paolo, hindi nila inaasahan na humantong ito sa pagkitil ng kanyang buhay.