ILOILO CITY – Isang binatilyo ang kumpirmadong biktima ng Momo Challenge sa Lungsod ng Iloilo.
Ang biktima ay kinilalang si John, 15-anyos na Grade 9 student at residente ng Arevalo, Iloilo City.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Manang Inday, ina ng biktima, sinabi nito na nawala ang kanyang anak at nang tinanong niya ang mga kaklase nito, hindi na raw pumasok ang binatilyo sa kanilang paaralan.
Ayon sa ina, umuwi naman ang kanyang anak at idinahilan nito na dinukot siya at dinala sa isang bayan sa Iloilo.
Dito na dumulog sa Arevalo Police Station ang ina upang ipa-blotter ang nangyari.
Nang tinanong ang biktima, tumanggi ito na idetalye ang pangyayari sa kadahilanang may papatay umano sa kanya.
Pinuntahan naman ng pulisya ang Consolacion, San Miguel, na siya raw pinagdalhan sa biktima.
Sa huli, umamin ang binatilyo na nag-download ito ng online application na Momo Challenge kung saan inutusan siya ng kanyang kausap na pumunta sa isang malayong bayan at kapag umuwi, magpanggap na ito ay hihimatayin.
Ani Manang Inday, inamin ng kanyang anak na gawa-gawa lang niya ang pagdukot sa kanya dahil kapag hindi niya ito gagawin ay mas mabuti na mag-suicide nalang ito.
Ito raw ang nag-udyok sa biktima na gawin ang challenge dahil sa takot na hindi lang siya ang papatayin, kundi ang kanyang buong pamilya.