-- Advertisements --

VIGAN CITY – Inoobserbahan pa rin sa ngayon sa Ilocos Training and Regional Medical Center sa San Fernando City, La Union ang 13-anyos na binatilyo na nakaligtas sa pananaga ng hindi pa kilalang suspek sa Brgy. Besalan, Sta. Cruz, Ilocos Sur noong isang araw.

Maalalang sa nasabing pangyayari ay dalawa ang namatay na nakilalang sina Loreto Sanches Carbonel, 46, magsasaka na residente ng nasabing lugar at si Jerome Domingo, 29, tubong Brgy. Camangaan, Sta. Cruz na kapuwa nagtamo ng malalalim na sugat sa ulo na rason ng kanilang kamatayan.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan mula kay P/Lt. Danilo Ricod, deputy chief of police ng Sta. Cruz municipal police station, sinabi nito na nitong Biyernes umano ay nakapagsalita na ang biktima na si Johnwin Hagunos Carbonel ngunit hindi pa masasabing ligtas na ito sa bingit ng kamatayan kaya patuloy pang inoobserbahan ang kaniyang kalagayan.

Kaugnay nito, umaasa si Ricod na makaka-recover ang biktima dahil ito na ang kaisa-isang testigo sa nasabing pangyayari.

Sa ngayon patuloy pa rin ang imbestigasyong isinasagawa ng mga otoridad sa nasabing insidente upang matukoy ang pagkakakilanlan sa suspek at ang motibo nito.