-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Umaasa pa rin ang mga magulang ng 15-anyos na si Jhuros Flores na makita kahit ang kanyang katawan na lamang.

Ito ay matapos na pitong araw nang hinahanap ang binatilyo sa Aklan River na sakop ng Brgy. Polo, Banga, Aklan.

Umaga ng Lunes, Pebrero 3 ay inimbitahan sa himpilan ng pulisya ang anim na kaklase na nakasama nitong maligo sa ilog noong Enero 29 pagkatapos na mag-praktis ng kanilang dula-dulaan sa naturang lugar.

Ayon kay P/Capt. Dandy Gonzalodo, hepe ng Banga Municipal Police Station na layunin nito na linawin at linisin ang kanilang mga pangalan sa harap ng mga espekulasyon na maaring may foul play ang pagkamatay ng binatilyo.

Sinubukan pa umano nilang iligtas pero hinila ng malakas na agos ng tubig papalayo ang binatilyo at nadala sa malalim na bahagi ng ilog.

Hindi umano siya marunong lumangoy kaya’t pinigilan pa nila itong sumamang maligo, pero hindi nagpapigil.

Pahayag pa ng kanyang mga kaklase na kahit sila ay na-trauma matapos masaksihan ang pangyayari.

Nauna dito, gumawa ng kasaysayan ang pagkawala ng binatilyo dahil sa unang pagkakataon ay nagsagawa ng search and retrieval operation ang pinagsanib na pwersa ng mga emergency responders ng iba’t-ibang Municipal Disaster Risk Reduction Management Council sa buong lalawigan ng Aklan, mga volunteers at professional divers mula sa Isla ng Boracay at iba pang lugar, ngunit bigo pa ring mahanap si Jhuros.

Nagtulong-tulong rin ang mga sikat na albularyo sa Aklan at katabing probinsiya na nagsagawa ng kani-kanilang ritwal o tawas upang mahanap ang bata.

Sa katunayan kahit ang celebrity psychic na si Jay Costura ay lumipad pa patungong Aklan upang tumulong kung saan ginamit niyang medium ang tiyahin ng biktimang may “third eye” umano upang maka-usap ang kaluluwa ng binatilyo at maituro ang eksaktong kinaroroonan nito.

Kasalukuyang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa naturang insidente.