-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Hustisya ang sigaw ng pamilya ng isang binata na natagpuang patay sa Sifu River ilang araw matapos umanong kunin ng umanoy barangay tanod ng San Palcido, Roxas, Isabela .

Sa exklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni G. Gilbert Tamayo Agustin, tiyuhin ng biktimang si Sovero Nel Sante, 17 anyos na noong October 24, 2021 huli nilang nakita ang pamangkin bago kunin ng umanoy barangay tanod ng barangay San Palcido dahil sa pagkakasangkot nito sa isang mauling incident o pambubugbog.

Aniya, sinubukang sundan ng isa pa niyang pamangkin ang barangay patrol car na pinagsakyan sa biktima subalit sinabi umano ng barangay tanod na tumalon ang pamangkin sa patrol car at tumakas .

Makalipas ang ilang araw ay natagpuan ang bangkay nito na palutang lutang sa Sifu river kung saan nakitang kalunos lunos ang naging kalagayan nito.

Batay sa mga litratong ipinadala sa kanya ng kanilang mga kaanak nakasilid sa sako ang kalahating katawan ng biktima, may tali ang kamay at may laslas sa leeg.

May ilang hinihinalang sugat rin umano ito sa kanyang katawan subalit hindi matukoy kung patalim o tama ng baril ang sanhi ng mga ito.

Ayon kay G. Agustin hinihiling nila ang hustisya para sa pamangkin at mapanagot ang barangay tanod at ibang sangkot sa krimen.

Samantala sa naging panayam ng bombo Radyo Cauayan kay PSSGT. Danilo Estabillo Jr., tagasiyasat ng Roxas Police Station, sinabi niya na kasalukuyan na nilang sinisiyasat ang pangyayari.

Agad na dumulog sa kanilang himpilan ang tiyuhin ni Sante na si Ronald Taguiam upang iulat ang pagkawala ng pamangkin noong October 24, 2021.

Kaninang umaga ay nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen at ipinaalam ang pagkakatagpo ng bangkay ng isang lalaki sa Sifu River.

Una rito ay nangingisda umano si Dionisio Celmo, residente ng Sotero Nueza, Roxas, Isabela nang makita ang bangkay ng biktima na nakasilid sa sako ng abono ang kalahating katawan nito.

Matapos aniyang matanggap ang ulat ay agad silang nagtungo sa lugar katuwang ang rescue team ng Roxas, Isabela at nakita ang naaagnas na bangkay ni Sovero Nel Sante na ilang araw ng nawawala.

Batay sa pahayag ng mga kanak ng biktima kinuha ito ng barangay tanod ng barangay San Palcido dahil sa kinasasangkutang pambubugbog upang ipasakamay sa himpilan ng pulisya subalit hindi umano ito nakarating sa himpilan matapos na tumalon sa patrol car at tumakas.

Sa ngayon ay hindi pa matukoy ng pulisya ang tunay na sanhi ng pagkasawi ng biktima na nakatakdang isailalim sa autopsy.

Sa ngayon ay nakikipag ugnayan na rin ang PNP Roxas sa mga opisyal ng barangay San Placido kaugnay sa umanoy pagkuha ng barangay tanod sa biktima.