Naalarma si Senadora Nancy Binay sa desisyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na kanselahin ang 2002 contract nito sa Blue Star Construction Development Corporation.
Inutusan din ng DENR ang Masungi Georeserve Foundation na lisanin ang conservation area, na nagdulot ng mga alalahanin sa kinabukasan ng ecological sanctuary.
“Masungi is for our children and our children’s children. Ngayong pinaba-vacate nila ang Masungi Georserve in 15 days, ano ang vision at plano ng DENR para mapangalagaan at maprotektahan ang Masungi?” kwestiyon ni Binay.
Binigyang-diin ng senadora ang responsibilidad ng DENR sa ilalim ng National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act na tiyakin na pangalagaan ang mga protected areas.
“Kaya’t nababahala po tayo sa magiging resulta ng kanselasyon ng kontrata ng Blue Star. Alam nating walang kakayanan ang DENR na saluhin ang anumang kasalukuyang aksyon na ginagawa ng foundation,” giit ng senadora.
Ang Masungi Foundation ay kinilala sa buong mundo para dahil sa efforts nito na protektahan ang georeserve.
“Sa totoo lang, these young volunteers have proven to be better guardians than the DENR, gathering needed support from all sector even without the agency’s help,” saad pa ni Binay.
“Ngayon pinapa-vacate na ng DENR ang Blue Star at mga volunteers, maipapangako ba sa atin ng DENR na mananatiling ‘no-take and no-build zone’ ang Masungi?” dagdag ng senadora.
“Kung di natin babantayan at magiging kampante tayo, baka isang araw magising na lang tayong wala na ang mga bundok at protected areas natin,” Babala ni Binay.