MANILA – Humingi ng patawad si Makati City Mayor Abigail Binay kasunod ng viral video sa isang healthcare worker na nagkamali sa pagtuturok ng COVID-19 vaccine.
“Humihingi siya at kami ng patawad, at nagbibigay kami ng assurance na hindi na ito mangyayari uli,” ani Binay sa press briefing ng Malacanang.
Aminado ang alkalde na nagkamali ang vaccinator, na isang volunteer nurse, at hindi naiturok ng wasto ang vaccine dose.
Pero agad naman daw nilang naaregluhan ang sitwasyon matapos lumapit sa vaccination team ang indibidwal na kumuha ng video.
“It was human errort on the part of the volunteer nurse that was immediately corrected. This happened June 25, and June 26 bumalik siya sa aming tanggapan… binigyan siya agad ng bakuna.”
Umapela naman si Binay sa publiko na itigil na ang pagpapakalat ng video. Gayundin na huwag atakihin at batikusin ang healthcare worker.
Partikular na sa oposisyon ng lokal na pamahalaan, na ginagamit umano ang insidente para pulitikahin ang pagbabakuna.
Lesson: Watch or take a video during your vaccination. I didn’t look because afraid of needles, but I must have received the vax coz I had adverse events. 😀 DOH just confirmed that this happened. Investigation ongoing. pic.twitter.com/HCnSqhCTUz
— Marites S. Villamor (@maritesvillamor) June 28, 2021
Ayon sa alkalde, sana maintindihan ng publiko ang pagod at sakripisyo ng mga medical frontliners na higit isang taon nang nangunguna sa paglaban ng COVID-19.
“Umaapela kami sa mga nagkakalat ng video at nagbibintang ng kung ano-ano sa nurse na ito, huwag naman ganon, lalo na’t wala naman tayong hawak na ebidensya.”
“Maawa naman kayo sa nurse na nagkusang volunteer ng kanyang oras para magsilbi sa ating mga kababayan.”
“Tao lang ang ating frontliners, napapagod at nagkakamali pero mahalaga na itinama namin agad ang pagkakamaling ito.”
Una nang sinabi ng Department of Health na iimbestigahan nila ang insidente.
Para naman sa National Task Force against COVID-19, maituturing na “isolated case” ang nangyari.
Batay sa kuha ng video, itinusok lang ng vaccinator ang karayom ng bakuna sa braso ng indibidwal, pero hindi nito naibaon ang hiringilya kaya hindi pumasok sa katawan ng vaccinee ang laman ng bakuna.