Inihayag ni Senadora Nancy Binay na handa rin niyang harapin ang conciliation meeting ng Senate Committee on Ethics kaugnay sa reklamong inihain niya laban kay Senador Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Binay, kung ito ay bahagi ng proseso para talakayin ang kanyang reklamo ay handa siyang sumunod dito.
Sa binuong panuntunan ng Ethics committee na pinamumunuan na ngayon ni Senate Majority Leader Francis Tolentino, magkakaroon muna ng pag-uusap para pagharapin ang nagrereklamo at inirereklamong senador.
Sa prosesong ito, susubukan ng komite na pag-ayusin ang dalawang senador upang hindi na umabot pa sa tuluyang pagdinig ng reklamo.
Nagpahiwatig din si Binay ng kahandaan para sa pakikipag-ayos kay Cayetano sa pagsasabing likas sa pagiging Kristiyano ang maging mapagpatawad.
Matatandaang naging mainit ang paghaharap nina Cayetano at Binay sa unang pagrepaso ng Senate Committee on Accounts kaugnay sa ipinapatayong bagong gusali ng Senado sa Taguig City.