LA UNION – Libre na ngayon ang mga binhi ng palay na ipapamahagi ng pamahalaang panlalawigan sa mga magsasaka sa La Union.
Sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay Provincial Agriculturist Ramon Laudencia, sinabi nito na sa katatapos lamang na pagpupulong ng mga opisyal ng kapitolyo ay ipinag-utos ni Gov. Francisco “Pacoy” Ortega III na ipamahagi ng libre ang mga binhi ng palay o certified seeds sa mga kababayang magbubukid.
Ayon kay Laudencia, ibig sabihin lamang nito na hindi na tulad ng dati na may 50 percent na counter part o babayaran ang mga magsasakang kukuha ng binhi dahil ang mismong lokal na pamahalaan na ng lalawigan ang sasagot sa mga bayarin.
Layunin ng pamahalaang panlalawigan na mapababa ang cost of production o puhunan ng mga magsasaka.
Samantala, sinabi pa ni Laudencia na sa pamamagitan ng mga ipapamahaging certified seeds ay inaasahan din na mataas ang magiging ani ng mga magbubukid sa panahon ng anihan ng palay.