Maglalabas ng bagong EP ang BINI, ang sikat na Filipino girl group, ngayong Pebrero, na nagtatampok ng isang collaboration kasama ang South Korean artist at dating miyembro ng DAY6 na si Jae Park.
Ibinahagi ni Jae, o Eaj, ang balitang ito sa X (dating Twitter), kung saan nirepost niya ang anunsyo mula sa Philippine Concerts tungkol sa kanyang kolaborasyon sa sikat na girl group sa isang kantang pinamagatang “Secrets.”
‘Such a blessing and honor,’ caption ng SoKor artist na nagpapahayag ng kanyang nararamdaman para sa paparating na proyekto.
Hindi naman makubli ang kasiyahan at excitement ng mga fans ng BINI at ni Jae na nagpakita naman ng kanilang lubos na pagsuporta sa comment section.
Inanunsyo ng BINI ang kanilang bagong EP ”BINIverse” sa kanilang Grand BINIverse na The Repeat concert sa Philippine Arena noong Pebrero 15. Ilalabas ito sa Pebrero 27, 2025.
Sa isang Facebook reel naman ay naglabas ang grupo ng isang teaser para sa EP, kung saan sinabi nilang magkakaroon ito ng anim na kanta, kabilang na ang kanilang mga naunang single na “Cherry On Top” at “Blink Twice.”
Bukod sa bagong music, magsisimula rin ang BINI ng kanilang kauna-unahang world tour ngayong taon, sa Singapore, Dubai, London, at USA.
Samantala, si Jae Park, na naging miyembro ng DAY6 mula 2015 hanggang sa kanyang pag-alis mula sa JYP Entertainment noong 2022, ay patuloy parin na na maimpluwensya sa music scene.
Kilala ang DAY6 sa mga hit songs nilang “Congratulations” at “You’re Beautiful.” Pagkatapos niyang umalis mula sa grupo, sinimulan ni Jae ang kanyang solo career at inilabas ang single na “Car Crash” noong 2022.