Tiniyak ni Robin Padilla na siya ay ligtas lalo na ang mga taong nakakasalamuha sa kabila ng pagsasagawa nito sa sarili ng swab test para sa Coronavirus Disease .
Ito’y kasunod ng pagpuna ni Health Secretary Francisco Duque III sa video ni Binoe sa kanyang self swabbing.
Ayon kasi kay Duque, hindi “advisable” ang pag-swab sa sarili dahil magiging kaduda-dua ang resulta nito.
“Hindi p’wedeng sa sarili mo gagawin ‘yan dahil ang iyong resulta ay magiging kwestiyonable,” ani Duque.
Sa panibagong pahayag naman ni Binoe, direkta nitong sinang-ayunan ang kalihim kasabay ng depensa na iyon ay para lang sa mga taong wala naman talagang alam sa swab test.
Sa sitwasyon kasi aniya nilang mga mandaragat, angkop ang kasabihan na “desperate times call for desperate measures.”
Nag-post pa ito ng video mula sa ibang bansa kung saan tinuturuan maging ang mga bata kung paano ang mag-swab sa sarili.
Una na kasing iginiit ng 51-year-old husband ni Mariel Rodriguez, na natutunan na ng kanyang grupo ang mag-swab sa sarili lalo na kung walang available na healthcare worker.