Maagang pinakikilos ni pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang binuong El Niño team para sa napipintong epekto ng paparating na El Niño phenomenon sa ating bansa.
Layunin nitong maihanda ang mga ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan at mga mamamayan sa maaaring mapinsala ng matinding init ng panahon.
Ayon kay Office of Civil Defense Usec. Ariel Nepomuceno, inatasan na sila ng punong ehekutibo na tukuyin na ngayon ang mga problema at pag-usapan na ang mga posibleng solusyon.
Tinukoy ni Usec. Nepomuceno ang walong probinsya na nakakaranas ng El Niño, kung saan tatlo sa mga ito ay labis na ang nararanasang init ng panahon.
Nais ng pamahalaan na long-term solution ang maisakatuparan, upang hindi na ito maging suliranin sa mga darating na panahon.
Kasama naman sa mga biglaang tugon na maaaring maisakatuparan ang distribusyon ng tubig, paglalaan ng ayuda at cloud seeding operation naman kung kakapusin ang supply mula sa mga dam.