-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Siniguro ng pulisya na magiging mabilis ang imbestigasyon sa pamamaril-patay kay Libungan, Cotabato Mayor Christopher Cuan.

Ito ang kinumpirma ni PLt. April Rose Soria, public information officer ng North Cotabato PNP sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Soria, matapos mangyari ang pamamaril ay agad na binuo ang Special Investigation Task Group (SITG) na tututok sa kaso at activated na ito sa ngayon.

Aniya, dadaan rin sa tamang proseso ang imbestigasyon gaya ng pagsailalim sa post-mortem examination ng bangkay ng alkalde, ballistic examinations sa mga narekober na empty shells ng .45-caliber at pag-retrieve ng mga CCTV footages sa mga establishment na makakatulong sa imbestigasyon ng kaso.

Nauunawaan naman umano ng pulisya ang nararamdaman ng pamilya at ng mamamayan ng Libungan dahil mismo ang alklade ng kanilang bayan ang nawala.

Kaugnay nito, ilaalam na sa ngayon kung sino ang mga responsible sa likod ng krimen.

Matatandaan na kabilang ang driver ng alkalde na namatay sa pamamaril na nangyari habang binisita nito ang itinatayong Libungan Gallera.