Iniulat ng Bureau of Internal Revenue-7 na naging maganda ang performance ng Central Visayas matapos nalampasan ang target na revenue collection sa nakalipas na dalawang taon.
Ito ang naging kasagutan ni OIC Regional Director Antonio Ilagan sa pagtatanong ng Star Fm Cebu kung saan inilahad niya na umabot sa P42.6B ang kanilang actual collection noong 2023 o mas mataas ng 1.65% kaysa sa P41.9B na target.
Samantalang sa taong 2024 naman, nasa P49.17B ang actual collection kaysa sa P48.8B na target.
Binigyang-diin pa ni Ilagan ang kahalagahan nito hindi lang sa Cebu kundi maging ng buong Pilipinas.
Umaasa naman itong makamit ang collection goal ngayong taon na P55B sa pamamagitan ng mga programa kabilang na ang pagmonitor sa compliance ng mga tax payers.
Hinikayat naman nito ang mga tax payers na huwag nang hintayin pa ang deadline upang maiwasan ang anumang abala.
Samantala, bagama’t hindi pa nakapagbigay ng eksaktong data, ibinunyag nito na marami na silang napasarang mga establisyemento sa nakaraang taon dahil sa tax violation at may iilan na ring napasara ngayong taon.