Bigong makuha ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang target collection nito para sa unang kalahating bahagi ng 2024.
Batay sa ulat ng ahensiya, kinapos ito ng tatlong porsyento sa sa target collection na unang inilatag ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).
Batay kasi sa target ng DBCC, P1.403 trillion ang dapat sana’y koleksyon ng BIR para sa unang anim na buwan ngunit lumalabas na mula Enero hanggang sa pagtatapos ng Hunyo, umabot lamang P1.36 trillion ang nagawa nitong kolektahin.
Ayon sa BIR, ang P1.36 trillion na nakolekta ay mas mataas pa kaysa sa P1.219 trillion na unang nakolekta ng ahensiya noong nakalipas na taon.
Gayunpaman, hindi pa rin ito naging sapat para maabot ang 100% na target sa unang anim na buwan ng taon.
Sa kabilang banda, nagawa ng Bureau of Customs na taasan ang target collection nito sa unang kalahating bahagi ng 2024.
Umabot sa 3% naman ang ini-angat ng koleksyon ng BOC, batay sa bago nitong datos.
Nagawa ng Customs na makakolekta ng P455.8 billion sa naturang panahon, kumpara sa P442.62 billion lamang ang target dito ng DBCC.
Noong nakalipas na unang kalahating bahagi ng 2023, umabot lamang sa P433.4 billion ang nakolekta ng BOC.