-- Advertisements --

Inusisa din sa isinagawang pagdinig ng House Tri-Committee ang usapin sa tax compliance ng mga social media influencers.

Dito, natanong ng isa sa chairman ng komite na si Antipolo City Rep. Romeo Acop ang kinatawan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na si Atty. Ron Mikhail Uy kung nakapag-comply na ang bureau sa direktiba ng Tri-Comm noong nakalipas na hearing kaugnay sa pagsusumite ng bilang ng mga social media influencers na pinatawan ng tax ng BIR at ang kanilang binayarang buwis.

Ipinaliwanag naman ni Atty. Uy na bumuo na ang BIR ng isang specialized body o isang task force na nakatutok sa pagi-imbestiga sa mga social media influencres at kalaunan ay inisyuhan na ang mga ito ng letters of authority para sa karagdagang tax audit.

Aniya, nagbigay ang komite sa bureau ng listahan ng pangalan ng 27 social media personalities at nakitang karamihan sa kanila ay registered. Subalit, inamin naman ng BIR official na dahil sa ginagamit ng mga social media influencers ang kanilang pangalan at wala sa kompaniya, ilan sa kanila ay kapareho ng pangalan ng ibang taxpayers. Kung saan isa sa mga ito ay may 17 hanggaang 18 kaparehong pangalan.

Tinanong din ni Cong. Acop ang BIR official kung kailan maisusumite ang listahan ng pangalan ng mga social media influencers, subalit ipinunto ni Atty. Uy na sa ilalim ng Tax Code hindi nila maaaring idisclose ang sensitibong impormayon partikular na ang detalye sa tax payments.

Samantala, nang tanungin naman ni House Deputy Speaker David Suarez ang BIR official kung nagbabayad din ng buwis ang mga social media platforms sa bansa, tugon ni Atty. Uy na dapat na magbayad ng buwis ang mga ito sa kanilang kinikita sa bansa bilang non-resident foreign corporations ang mga ito.

Nang muling matanong ang BIR official kung nagbabayad ang nasabing socmed platforms, tugon ni Atty. Uy na kanilang ibeberipika ito at nangakong isusumite sa susunod na linggo.

Kinastigo din ni Cong. Suarez ang isa sa influencers at content creators na si dating Press Sec. Trixie Cruz Angeles kung nagbabayad sila ng buwis sa kanilang pagvlo-vlog.