-- Advertisements --

Kumpiyansa si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui na mahihigitan nito ang 2024 collection target.

Ipinagmalaki ng BIR na kanilang nakamit ang isang makasaysayang tagumpay sa pamamagitan ng pag-abot sa target ng Emerging Goal para sa 2024 na itinakda ng Development Budget Coordination Committee (DBCC)na halagang Php2.848 trillion.

Binigyang diin ni Lumagui na sa loob ng mahigit 20 taon, ang ahensiya ay nagsikap nang husto upang maabot ang collection target ng DBCC at nitong 2024 nagbunga ang sipag at pagsisikipap ng bawat isa.

Dagdag pa ni Lumagui na bagama’t kasalukuyang pinoproseso pa ang pinal na resulta, kinumpirma ng BIR na tiyak silang naabot ang Php 2.848 trillion na target.

Maliban sa taong 2020 – kung kailan mababa ang target dahil sa pandemya – ito ang kauna-unahang pagkakataon sa loob ng dalawampung taon na naabot ng BIR ang kanilang layunin. Bukod dito, ito ay nakamit habang mabagal ang pagtaas ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa na umabot lamang ng 5.2% na mababa kumpara 6% noong nakaraang taon.

“Ang pagka-kamit ng aming layunin ay hindi magiging posible kung wala ang suporta para sa aming mga programa sa buwis. Kami ay tapat sa pagpapalaganap ng mga repormang naaayon sa Good Governance,” pahayag ni Lumagui.

Simula nang maupo si Lumagui bilang pinuno ng BIR noong Nobyembre 15, 2022, siya ay kinilala sa kanyang hands-on na estilo ng pamumuno at sa pagpapalaganap ng kanyang apat na haligi ng mabuting pamamahala sa buong ahensya, na kinabibilangan ng: 1) matapang at agresibong mga hakbang sa pagpapatupad ng batas, 2) mahusay na serbisyo para sa mga nagbabayad ng buwis, 3) integridad at pagiging propesyonal ng institusyon at mga empleyado nito, at 4) digitalisasyon.

Isa sa ibinida ni Lumagui ay ang pinadali na proseso para sa mga Pilipino na magbayad ng kanilang buwis, dahilan na-e-enganyo silang magbabayad ng tamang buwis sa tamang oras.

Sa ilalim din ng kanyang termino, ang BIR ay nakagawa ng malalaking hakbang sa paglutas ng ilegal na paggamit ng “ghost receipts” o ang paggamit ng pekeng resibo at invoice upang makaiwas sa buwis sa kita at value added tax (VAT).

Itinatag din ni Lumagui ang Run After Fake Transactions (RAFT) task force sa kauna-unahang pakakataon sa kasaysayan ng ahensiya.

Maliban sa mga ito, minarapat rin ni Lumagui na sumunod sa isang withholding tax system ang mga online store upang maging patas sa mga retail store na nagbabayad ng tamang buwis.

“Nagpapasalamat po kami kay Pangulong Marcos Jr. sa kanyang gabay at suporta. Kaya naman sinuklian namin ito ng gilas at husay sa aming trabaho. Mayroon na po kaming makabuluhang sistema at pamamaraan na epektibo,” ika ni Lumagui. “Magpapatuloy ang BIR sa pakikipagtulungan sa pribadong sektor at mga nagbabayad ng buwis. Kayo ang aming mga katuwang sa pagtataguyod ng bayan. Kung wala ang inyong suporta, hindi namin maaabot ang aming Php 2.848 trillion na layunin. Marami pong salamat sa inyong walang-sawang suporta sa amin,” pahayag ni Lumagui.