-- Advertisements --

Inamin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na hindi nito namomonitor kung nagbabayad ng tamang buwis ang social media personalities na kumikita mula sa content sa digital platforms.

Ito ang naibunyag sa ikalawang pagdinig ng Tri-Committee sa Kamara ngayong araw ukol sa isyu ng fake news at disinformation.

Ayon kay Atty. Tobias Arcilla na nakabase lamang sila sa voluntary declaration ng social media personalities ng kanilang income na nagmumula sa content.

Ang ginagawa aniya ng BIR ay random audit investigation partikular sa mga indibidwal na itinuturing na “high-risk”.

Paliwanag ni Arcilla, sumasailalim sa cross-check ang idinedeklara ng vloggers mula sa foreign tax jurisdiction kung saan sila mayroong umiiral na treaties o kasunduan.

Aminado rin ang opisyal na sa kasalukuyang tax laws ay hindi nila maaaring basta na lamang imbestigahan ang taxpayers.

Naniniwala naman si House Deputy Minority Leader France Castro na may mga butas ang batas na dapat tugunan at hindi dapat naghihintay ang BIR ng voluntary declaration.

Kasunod nito, ipinasusumite ni Acting Chairman Romeo Acop sa BIR ang datos kung ilang social media influencers na ang nasingil ng buwis.