Hinihikayat ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang lahat ng taxpayers sa bansa na gamitin ang online appointment system ng ahensya na mas convenient umano sa pakikipag-transaksyon ng mga negosyo sa kabila ng coronavirus pandemic.
Ang panawagan na ito ay kasabay na rin ng paglagda ni Revenue Deputy Commissioner for Information System Group Lanee Cui-David sa memorandum kasama si Deputy Commissioner for Operations Arnel Guballa para idagdag ang apat pang revenue district offices (RDOs) sa eAppointment System.
May kabuuang 16 na RDOs ang mayroon sa kasalukuyan kung saan kasama rito ang San Nicolas-Tondo, Cainta-Taytay, Rizal, North at South Pampanga.
Ayon kay David, layunin ng electronic system na ito na i-cover ang 120 RDOs sa buong bansa.
Maaaring i-access ang eAppointment sa pamamagitan ng BIR website.
Ito ay isang web-based booking calendar kung saan may kakayahan ang mga taxpayers na mamili ng kanilang oras para sa appointment o talakayin virtually ang nararanasang tax issues at mga problema.
Dagdag pa ni David na karamihan sa malalaking taxpayers ay naka-enroll na rin sa naturang serbisyo.
Target aniya ng BIR na isama ang lahat ng tax transactions sa eAppointment at gawin itong permanent feature kahit pa matapos na ang pandemic.