-- Advertisements --
Sen Gatchalian

Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na maging mas mahigpit sa pag-iisyu ng tax identification number (TIN) IDs kasunod ng pagkakatuklas ng mga naturang ID sa opisina mismo ng isang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na sangkot sa iba’t ibang kriminal na aktibidad, upang gawing lehitimo ang katayuan sa trabaho ng kanilang mga empleyado.

Ayon kay Gatchalian, ang mga iniisyu na TIN ID ng BIR, ay walang mga larawan na nagpapahintulot sa mga naturang ID na magbigay nang maayos na pagkakakilanlan sa mga indibidwal na sangkot sa mga krimen.

Kasunod ng pagkakatuklas na ito aniya binibigyang-diin ang kritikal na pangangailangan para sa BIR na muling bisitahin ang mga proseso ng pagbibigay ng ID nito, kasama ang mga updated na security measures at komprehensibong identification features.

Bukod sa mga TIN ID, narekober din ng mga awtoridad ang mga Philhealth ID, Certificates of Alien Registration, Alien Employment Permits, at police clearances sa Smart Web Tech na may provisional license na galing sa Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR.

Natagpuang mayroong prostitution den at torture chamber ang nasabing POGO company. Bukod sa prostitusyon, pinaniniwalaang sangkot din ang Smart Web sa iba pang krimen gaya ng labor trafficking at iba’t ibang scam.

Dahil dito, patuloy na isinusulong ng Senador ang agarang pagpapatalsik sa industriya ng POGO sa bansa sa gitna ng patuloy na paglaganap ng mga kriminal na aktibidad na nauugnay sa industriya.