Inanunsiyo ng Bureau of Internal Revenue na imamandato na ang paglalagay ng tax stamps sa lahat ng vape products na ibinibenta sa bansa simula sa Hunyo.
Ito ay sa bisa ng BIR Revenue Memorandum Circular 59-2024 na nilagdaan ni BIR Commissioner Romeo Lumagui noong Abril 30 na naglalayong matugunan ang paglaganap ng unregulated vape products sa merkado.
Base sa naturang direktiba, hindi maaaring ilipat mula sa production sites ang mga locally manufactured vapes nang walang nakalagay na bagong tax stamps.
Bukod dito, sinabi din ng ahensiya na ang pagaangkat at paglalabas ng vape products mula sa kustodiya ng Bureau of Customs ay striktong ipagbabawal maliban na lamang kung may nakalagay na prescribed revenue stamps sa nasabing produkto.
Ayon sa BIR, ang presyo para sa tax stamps ay itinakda sa P1 kada piraso para sa mga order na nasa minimum na 1.65 million piraso at P2.50 kada piraso naman para sa order na nasa 165,000 piraso.
Samantala, imamandato din ang mga vape manufacturer at importers na magbayad ng excise tax sa anumang uri o halaga ng vape product.
Maaari ng simulan naman ng mga vape manufacturer at importers na magpalagay ng tax stamps sa kanilang orders simula sa May 8, 2024.