Nagsasagawa na rin ng sariling imbestigasyon ang Bureau of Internal Revenue (BIR) para sa posibleng tax evasion cases laban kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ito ay matapos ipag-utos ni Internal Revenue Commissioner Romeo Lumagui Jr. sa ahensiya na makipagtulungan sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng Senado laban sa alkalde.
Inatasan din ng BIR chief ang revenue officers na siyasatin ang mga pangalan at entities na binanggit sa mga pagdinig sa Senado gayundin ang kanilang naipong yaman.
Sinabi din ni Comm. Lumagui na kapag hindi tumugma ang income na idineklara ng mga ito sa BIR sa halaga ng mga ari-ariang naipon sa parehong taxable years, isasampa ang criminal cases para sa pag-iwas sa pagbabayad ng buwis.
Pareho din aniyang kaso ang isasampa laban sa mga kasabwat at corporate officers ng mga kompaniya na ginamit para makamkam ang nasabing mga yaman.
Dapat din aniya na masuportaha ng kaukulang pagbabayad ng buwis ang mga pera, ari-arian at iba pang sources ng yaman na ipinakita sa mga pagdinig sa Senado.
Una rito, base sa isinumiteng Statement of assets, liabilities and net worth (SALN) ni Mayor Alice Guo sa pagdinig sa Senado, as of December 2023, mayroong kabuuang liability ang alkalde na P189.633 million at net worth na P177,553,060.13.
Inilista ng alkalde ang 9 na piraso ng property kabilang ang 6 sa Marilao, Bulacan at 2 sa Bamban at 1 sa Capaz, Tarlac.Nabili ang nasabing mga properties sa halagang mahigit P20 million.
Inirehistro din ni Mayor Guo ang isang helicopter na nagkakahalaga ng P60 million subalit sinabi nito sa pagdinig sa Senado na ibinenta na niya ito sa isang British company sa unang bahagi ng 2024 at marami pang ibang ari-arian ng alkalde na kwestyonable.
Nanindigan naman ang alkalde na nabili niya ang nasabing mga ari-arian niya habang nagtratrabaho sa farm ng kaniyang ama kung saan siya lumaki.