Buo ang loob ng Bureau of Internal Revenue na maaabot nila ang bilyong piso na surplus revenue collection ng ahensya para sa taong 2024.
Sa isang pahayag ay sinabi ni BIR Commissioner Romeo Lumagui, inaasahan ng kanilang kawanihan na magkakaroon ng bilyon-bilyong surplus sa koleksyon nito para sa nakaraang taon.
Ito ay matapos ang pagsasagawa ng final reconciliation at ang resulta nito ay nakatakda namang ilabas sa unang linggo ng Pebrero ngayong 2025.
Ayon kay Lumagui, ang bilyon-bilyong surplus sa kanilang revenue collection ay nangangahulugan lamang na mas maliit ang utang na kailangang kolektahin ng pamahalaan ng sa gayon ay mapanatili ang budget ngayong taon.
Maituturing rin aniya itong panalo para sa mga mamamayang Pilipino at sa mga susunod pang henerasyon dahil mamamana nila ang kakaunting utang ng gobyerno.
Una nang iniulat ni Commissioner Lumagui ang mahigit P2.848 trilyon na collection goal na naabot na ng BIR .