Iginiit ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na pagtutuunan ng hakbang ng gobyerno na buwisan ang mga international digital services tulad ng Netflix, Amazon at Alibaba, at hindi ang maliliit na online sellers.
Ayon kay BIR Deputy Commissioner for Operations Arnel Guballa, bagama’t inutusan ng ahensya ang mga online sellers na magparehistro, hindi ito layon para sa mga maliliit na negosyo.
Paliwanag ni Guballa, hindi kabilang sa income tax ang online sellers na kumikita ng mas mababa sa P250,000 kada taon, habang ang mga kumikita nang mas mababa sa P3 milyon taon-taon ay hindi naman kailangang magbayad ng value added tax.
Una nang sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na naghahanap na ang gobyerno ng “viable ways” para buwisan ang lahat ng uri ng digital commerce.
Minamandato ang lahat ng online sellers sa bansa na iparehistro ang kanilang negosyo at magbayad ng buwis para sa mga nakalipas na transaksyon bago ang Hulyo 31.