Muling nanawagan ang Bureau of Internal Revenue sa publiko na makipagtulungan sa kanila upang masugpo ang mga seller at distributor ng mga hindi awtorisadong vape products.
Sa isang pahayag, sinabi ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. na patuloy ang kanilang mga isinasagawang operasyon laban sa mga ilegal na tindahan ng vape.
Paliwanag pa ng opisyal na malaki ang nawawala sa kita ng gobyerno dahil sa mga ilegal na vape products dahil hindi nagbabayad ng buwis ang mga ito.
Aniya, may banta rin ito sa kalusugan ng publiko dahil hindi ito dumaan sa kaukulang regulatory agency para masuri.
Kailangan munang dumaan ito sa pagsusuri ng Department of Trade and Industry, Department of Health , at Philippine Bureau of Product Standards.
Hinimok rin ni Lumagui ang publiko na maging mapanuri sa pagbili ng mga vape products.
Tiyaking tingnan ang PS Marking at BIR Seal na nakadikit sa bawat produkto patunay na ito ay lehitimo at dumaan sa mga regulatory agencies.