ROXAS CITY – Muli na namang naalarma ang mga empleyado ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Revenue District 72 sa Mckinley Street, Barangay 3, Roxas City matapos nakatanggap ng ‘bomb threat’.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Assistant Revenue District Officer Marichu Gloria Espinosa, kaagad silang nagsilabasan sa naturang tanggapan matapos nakatanggap ng text message ang isa nilang empleyado na mayroong itinanim na bomba sa loob nito.
Ang naturang mensahe ay mula umano sa cellphone number na 09120798074.
Dahil dito, pansamantalang itinigil ang transaksiyon sa nasabing opisina at inabisuhan ang mga tao na lisanin ang lugar.
Kaagad namang nagresponde ang mga otoridad na kinabibilangan ng mga miyembro ng Roxas City Police Station, Roxas City Fire Station, Philippine Coast Guard at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) upang maikordon ang naturang opisina.
Ayon kay Police Captain Ruby Magallanes ng Roxas City Police Station, negatibo sa bomba ang naturang tanggapan kasunod ng isinagawang inspeksiyon ng PCG-Roxas gamit ang kanilang K9-dogs.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nasabing insidente.
Nabatid na pangatlong beses nang nakatanggap ng bomb threat ang naturang tanggapan.