Umalma ang isang opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) nang maging laman sa dalawang artikulo ni Ramon Tulfo sa isang pahayagan.
Nabigla si BIR Assistant Commissioner for Client Support Services Teresita Angeles nang mabasa ang column ni Tulfo noong Agosto 6, na pinakamagatang “Conversation between two BIR execs reveals all” at noong Agosto 8 na “I’m helping Digong clean up the Augean stables.”
Inilahad dito ni Tulfo ang sinasabing pag-uusap sa pagitan nina Angeles at Don Samson, chief of staff ni BIR Commissioner Caesar Dulay, habang ang dalawa ay nagti-take umano ng short courses sa Harvard University.
Pinag-usapan daw ng dalawa ang lantarang korupsiyon sa BIR, at ito ay nakunan umano sa isang video.
Sa isa pang column, sinasabi ni Tulfo na si Angeles ay nailagay sa “floating status” dahil sa video at ang kaniyang mga pinuno sa BIR ay tumangging i-share sa kaniya ang mga “nakulimbat.”
Sa sulat na ipinadala sa The Manila Times kung saan nailathala ang ang mga artikulo, sinabi ni Angeles na ang mga inilahad ni Tulfo ay malisyoso, haka-haka at pawang kasinungalingan lamang.
Aniya, walang naganap na pag-uusap sa pagitan nila ni Samson, na executive assistant ni Dulay at hindi chief of staff, at hindi niya ito nakasama sa Harvard.
“The least (Tulfo) could have done was to confront us and validate whether we were indeed the persons in the video instead of hiding in the motherhood phrase used by journalist ‘my sources said,'” wika pa niya sa kanyang liham.
Walang katotohanan umano na nailagay siya sa floating status kundi naging assistant commissioner for client support services pa.
Hindi rin umano niya inakusahan o inaakusahang kumukuha ng suhol ang commissioner o tax officials dahil lahat aniya’y lumalabas na aboveboard.